Monday, March 11, 2013

Pagsasanay 13


Isa sa mga hanapbuhay ng mga sinaunang Pilipino ang pangangaso. Bago pa man nagkaroon ng kahalagahan ang agrikultura, ang pangangaso ang pangunahing pinanggalingan ng kabuhayan ng ating mga ninuno.

Bukod dito, kahoy ang isa sa mga naunang naging materyales ng iba't ibang kagamitan. Para sa mga Pilipino, mga naninirahan sa bayang punong-puno ng likas na kayamanan, napakalaki ng papel ng kalikasan sa hanapbuhay. Hanggang sa kasalukuyan, ang punongkahoy ay ang isa sa mga pinanggagalingan ng marami sa ating mga kagamitan. Subalit, mas mahalaga ang naging papel ng punongkahoy para sa mga sinaunang Pilipinong namuhay bago pa magkaroon ng rebolusiyon sa industriya at agrikultura. Marami sa mga kagamitang gawa sa kahoy ng mga sinaunang Pilipino ang mga sibat sa pangangaso. Bukod sa pangangaso, marami rin sa mga kagamitang pamproteksiyon, o self-defense, ng mga sinaunang Pilipino ang gawa sa kahoy.

Maaaring ang kahalagahan ng pangangaso, proteksiyon, at kalikasan ang dahilan kung bakit may isang salitang sinaunang Tagalog na may kahulugang may kinalaman sa kalikasan at armas - abobor.

ABOBOR
a-bó-bor png. [ST] 1: likod ng maliit na patalim o punyal 2: kaloob-looban ng puno ng kahoy.

Posibleng abobor ang naging tawag sa mga kahoy na sibat at armas ng mga sinaunang Pilipinong mangangaso.


Saturday, March 9, 2013

Putol


Sa maraming pagkakataon, mas madaling maunawaan ang isang teksto kapag may larawan. Mas naaakit ang teknolohikal na henerasyon sa mga biswal na presentasyon.

Gamit ang tulang "Putol" ni Ginoong Michael M. Coroza, gumawa ako ng maikling video animation bilang interpretasyon sa tulang ito.



Putol
Michael M. Coroza

May kanang paang
                                        putol
sa tambakan
ng basura.
Naka-Nike.

Dinampot
ng basurero.
Kumatas
ang dugo.

Umiling-iling
ang basurero't
bumulong, "Sayang,
wala na namang kapares."



Tulad ng tula, putol-putol ang paggawa ko sa presentasyong ito. Hinati ko ang tula sa iilang mga bahaging may isa o dalawang taludtod (hal. unang bahagi: May kanang paang putol; ikalawang bahagi: sa tambakan ng basura). Ang bawat bahagi'y inilarawan ko gamit ang animation, at ipinagdugtong na lamang sa pag-edit ng video. Bagama't putol-putol ang pag-animate ko sa bawat bahagi, ang pagdugtong naman sa mga ito ang nagbigay ng kahulugan sa animation. Ipinapakita nito na ang mga ideyang putol-putol o maliliit na bahagi lamang ay maaaring magkaroon ng diwa kapag pinagsama-sama ang mga ito.


Sanggunian (mga larawang ginamit):